Bus drivers suwelduhan na!
MANILA, Philippines - Simula sa Enero 16 ng taong ito ay minimum na sahod na ang tatanggapin ng mga driver ng pampasaherong bus nationwide.
Sinabi ni Atty. Manuel Iway, board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang hakbang ay upang maalis na ang pagiging kaskasero ng mga bus driver na palagiang nagmamadali sa pamamasada kapalit ng malaking porsiyento mula sa arawang kita ng minamanehong bus.
“Pinirmahan na namin sa board ang circular order ng LTFRB noong January 2 at epektibo ito after 15 days at ito nga ay sa January 16 na nagkakaloob ng fix rate sa mga bus drivers,” pahayag ni Iway.
Sinabi ni Iway na ang hakbang ay dumaan muna sa masusing pag-aaral at pagkatig ng mga bus operators sa bansa.
Ang fix rate sa mga bus drivers ay matagal ding pinagdebatehan sa LTFRB board hearings dulot ng pagtanggi noon ng ilang bus operators pero nang makitang mapoprotektahan naman nito ang riding public at ang mismong driver ng bus at konduktor ay pumayag din ang mga ito.
Gayunman, sinabi ni Iway na ang hindi pa tutupad sa hakbang na ito ay maaaring masuspinde ang prangkisa o malamang na masuspinde ang kanilang operasyon.
- Latest
- Trending