P1-M na sa ulo ni Palparan
MANILA, Philippines - Itinaas na sa P1 milyon ang pabuya sa ikadarakip ng puganteng si ret. Major Gen. Jovito Palparan.
Mula P500,000 sinabi ni DILG Secretary Jesse Robredo na napagkasunduan nila ni DOJ Secretary Leila de Lima na itaas ang nasabing reward money para mabilis na matukoy ang kinaroroonan ni Palparan.
Naniniwala si de Lima na sa pamamagitan ng naturang halaga ay mas marami ang magkakainteres na hanapin ang wanted na heneral.
Si Palparan ang hinihinalang nasa likod ng pagdukot sa dalawang aktibistang UP student na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño noong 2006.
Una nang sumuko sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at Staff Sgt Edgardo Osorio na isinasangkot rin sa insidente habang ang isa pa na si Master Sgt. Rizal Hilario ay pinaghahanap pa rin.
Ayon naman kay PNP Chief Director General Nicanor Bartolome, hindi pa nakakalabas ng bansa si Palparan at patuloy ang kanilang intelligence monitoring sa mga lugar na posibleng pinagtataguan nito.
Anya, may magandang lead na umano ang mga awtoridad sa kinaroroonan ni Palparan.
- Latest
- Trending