MANILA, Philippines - Nakaamba ang balasahan sa Gabinete ni Pangulong Aquino subalit ‘tahimik’ pa rin ang Palasyo at todo-tanggi ang mga tagapagsalita nito.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, wala pang mga bagong appointment na inilalabas ang tanggapan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. kaya walang pagbabago sa Gabinete ng gobyerno.
Hindi rin binanggit ni Valte ang dahilan kung bakit sinibak si POEA Administrator Carlos Cao Jr. na pinalitan ni DOLE Usec. Hans Cacdac.
Malakas ang ugong na ang ipapalit ni Pangulong Aquino sa nakabakasyong NBI director Magtanggol Gatdula ay si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, Director Samuel Pagdilao Jr. na isang lawyer.
Bukod kay Pagdilao, lumulutang din ang mga kaalyado ni PNoy sa Kamara tulad nina Leyte Rep. Eduardo Veloso at dating Marinduque Rep. Edmund Reyes Jr. ang mga posibleng pumasok din sa gobyernong Aquino.
Malakas ang ugong na sisibakin ang legal team ng Pangulo tulad nina Solicitor-General Anselmo Cadiz, Presidential Legal Adviser Eduardo de Mesa gayundin ang Bureau of Immigration chief Ricardo David.
Napaulat din na ilalagay ni Pangulong Aquino si DOE Sec. Jose Rene Almendras bilang Secretary to the Cabinet pero ayaw din itong kumpirmahin ng Palasyo.
Magugunita na ilang beses nang nagkaroon ng pagbabago sa mga opisyal ng gobyerno subalit ‘walang alam’ ang mga Palace spokesman at tumangging kumpirmahin ang mga ito pero naganap ang pagbabago tulad ng pag-upo ni AFP chief Jessie Dellosa kapalit ni Gen. Eduardo Oban at ang pagsibak kay Cao.