MANILA, Philippines - Aabot sa P200 milyon ang magagastos ng gobyerno oras na pinayagan ng mga employer nito na makauwi ng bansa ang may 4,557 OfWs na nakarehistro sa Philippine Embassy sa Syria.
Ayon sa impormasyon, nanganganib na ang mga Pinoy sa Syria dahil sa nangyayaring kaguluhan ngayon kaya kailangan mailikas ito sa ibang lugar o pabalik sa bansa sa lalong madaling panahon.
Sabi ng informant, ang problema dito ay kung may pera ang gobyerno sa gagawing pag-uwi ng OFWs dahil ang bawat isa sa mga ito ay nangangailangan ng US$4,000 para sa deployment cost at airfare pabalik ng Pilipinas. Libo ring mga Pinoy ang ikinokonsiderang illegal workers at hindi rin puwedeng pabayaan ng gobyerno kapag gusto rin nilang umalis ng Syria at bumalik ng bansa.