MANILA, Philippines - Nagsimula nang magagawan sa puwesto ang mga lider ng Minorya sa Kamara matapos na kumpirmahin ni House Minority leader at Albay Rep. Edcel Lagman na siya pa rin ang mananatiling lider ng kanilang grupo kahit na mayroong silang kasunduan na term sharing ni Senior Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez.
Batay umano sa napagpasyahan ng mayorya ng House Minority Bloc, gusto nilang magpatuloy si Lagman sa kanyang pagiging lider dahil sa ‘credible at responsible’ na pamumuno nito sa hanay ng oposisyon.
Bukod dito kinakailangan din umano ng Minorya ang ‘experienced legal mind’ ni Lagman para kontrahin ang mga hakbang ng Aquino Administration na labag sa batas.
Paliwanag ni Lagman, ang ‘term sharing’ na napagkasunduan niya at ni Suarez ay limitado lamang sa isang pagtitipon noon ng Lakas Kampi-CMD noong July 2010 na siyang nai-dokumento ng media.
Nilinaw din ni Lagman na walang nabuong desisyon sa caucus ng Minorya noong December 2011 kaugnay sa pagbabago ng leadership, matapos hindi magkaroon ng botohan dahil wala ang mga miyembro ng oposisyon na hindi raw naabisuhan.
Dahil dito, walang pagbabago sa leadership ng House Minority sa muling pagbubukas ng sesyon sa January 16.
Ayon naman kay Suarez, hindi siya papayag sa nais ni Lagman at igigiit pa rin niya kung ano ang napagkasunduan na term sharing ng kanilang grupo. (Butch Quejada/Gemma Garcia)