MANILA, Philippines - Ligtas na sa tiyak na bitay ang isang Pinoy na nakapatay ng kapwa Pinoy sa Saudi Arabia matapos na mapatawad ng pamilya ng biktima dahil sa pagtulong ni Vice President Jejomar Binay sa isinagawang mediation sa Office of the Vice President (OVP) sa Coconut Palace, kahapon ng umaga.
Ayon sa OVP, nagkasundo ang pamilya ng napatay na OFW na si Robertson Mendoza at pamilya ng akusado na si Jonard Langamin na patawarin na ang huli.
Sa pag-uusap nina VP Binay, ama ni Robertson na si Bert Mendoza at ina ni Jonard na si Gng Editha Langamin, tinanggap ng pamilya Mendoza ang paghingi ng tawad ng pamilya Langamin.
Sa rekord ng Department of Foreign Affairs (DFA), pinagsasaksak hanggang sa mapatay ni Jonard si Robertson matapos magtalo dahil lamang sa pagpigil ng biktima na pakantahin ang akusado noong 2008.
Ang nasabing kaso ay kasalukuyang dinidinig sa Dammam Higher Court.
Tiniyak naman ni Binay sa pamilya ng akusado na nakakulong ngayon sa Saudi na mabibigyan siya ng legal support ng pamahalaan habang ang pamilya ng biktima ay tatanggap ng lahat ng benepisyo at tulong na karapat-dapat na makuha ng huli.
Napaiyak naman sa labis na kasiyahan si Ginang Langamin at nagpasalamat kay VP Binay dahil nakaligtas sa kamatayan ang kanyang anak
Sinabi naman ni Binay na ginagarantyahan niya na tutulungan din ng gobyerno na makuha naman ang lahat ng benepisyo ng pamilya ng napaslang na OFW
Sa batas sa Saudi, ang pagpatay ay may katapat na parusang bitay at nasasagip lamang sa kamatayan ang na-convict na akusado kung mabibigyan ng ‘forgiveness’ mula sa aggrieved party.
Inatasan na ni Binay si dating ambassador Enrico Endaya, ng Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (OUMWA) na agad na isumite ang mga dokumento sa Saudi court para sa pagpapalaya kay Langamin.
Sinaksihan din ang nasabing pag-uusap nina Administrator Carmelita S. Dimzon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Susan Ople, Pangulo ng Blas F. Ople Policy Center na siyang mga tumulong din sa pamilya Langamin para sa mediation.
Sumaksi din sa pulong ang mga kinatawan ng DFA sa pamumuno ni Executive Director Enrico Endaya.