MANILA, Philippines - Ipinalabas kahapon ng 4th division ng Sandiganbayan ang hold-departure order laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at tatlo pang akusado sa kasong graft and corruption.
Kabilang pa sa binawalang makalabas ng Pilipinas ang asawa ni Arroyo na si Jose Miguel Arroyo, dating Transportation Secretary Leandro Mendoza at dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos.
Kinasuhan ang apat dahil sa umano’y anomalya sa $329 milyong kontrata sa kumpanyang Intsik na ZTE Corp para sa pagtatayo ng national broadband network sa Pilipinas.
Naunang isinampa ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang dalawang kasong graft laban kay Gng. Arroyo na isa na ngayong kongresista kaugnay ng kontrata sa NBN-ZTE.
Sinasabi ng Ombudsman na batid na batid ng dating Pangulo ang iregularidad sa kontrata pero hinayaan niyang malagdaan ito noong panahon ng kanyang panunungkulan.
Kinansela ni Gng. Arroyo ang kasunduan o kontrata sa NBN ilang buwan makaraang mapirmahan ito.
Kasalukuyang nasa ilalim ng hospital arrest sa Veterans Memorial Medical Center si Arroyo. Inaresto siya noong Nobyembre 18 habang nakaratay sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig. Naospital siya dahil sa problema niya sa buto. Pero ang pagkakaaresto sa kanya noon ay may kinalaman sa arrest warrant na ipinalabas ng Pasay City Regional Court na dumidinig sa kanyang ibang kaso kaugnay sa umano’y dayaan sa halalan noong 2004.