Rizal Park nagmistulang Time Square sa New York
MANILA, Philippines - Nagmistulang “Time Square” ng New York, USA ang Rizal Park, Maynila matapos na muling dumugin ng milyun-milyong katao sa pagsalubong ng taong 2012.
Sa tala ng National Parks Development Committee (NPDC) Planning Division, tinatayang hindi bababa sa tatlong milyong katao ang dumagsa rito upang makisaya at saksihan ang inihandang programa ng naturang ahensya katulad ng libre at magdamagang concert na tinampukan ng iba’t ibang sikat na local bands gaya ng Sandwich, Imago, Paramita, Chongkies at iba pa, bukod pa rito ang iba’t ibang games na may premyong UniSilver Time watch.
Bukod rito, sinamantala naman ng mga amateur at professional photographers, maging ng mga photojournalists mula sa iba’t ibang pahayagan ang pagkuha ng litrato sa masayang pagdiriwang ng Bagong Taon partikular ang may halos 15-minutong fireworks displays na ikinasaya ng lahat. Ang mga nabanggit na lensman ay siyang mga opisyal na kalahok sa 2nd Annual Rizal Park-Sony Philippines Inc., Photography Contest na may temang “Larawan ng Masayang Pasko sa Rizal Park”
Ayon kay NPDC Executive Director Juliet H. Villegas, ang pakikiisa ng publiko na ipagdiwang ang kanilang Bagong Taon sa Rizal Park na itinuturing na “Biggest Urban Park in Asia” ay isang magandang sensyales na ang Luneta ay muling nang naibabalik sa puso ng mga Pilipino.
Aniya, malaking bagay umano ang patuloy na pagsisikap ng ahensya (NPDC) na baguhin at ipaayos ang mga pasilidad at pangunahing atraksyon rito para na rin sa mga parokyano ng parke, bukod pa rito ang tuluy-tuloy at iba’t ibang uri ng event o aktibidad.
Nangako naman si Villegas na patuloy na pagsusumikapan ng NPDC na muling maibalik ang ganda at saya ng Rizal Park katulong pa rin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at pribadong sector.
- Latest
- Trending