Balik-eskwela ngayon
MANILA, Philippines - Balik-eskwela ngayon ang milyun-milyong mga mag-aaral matapos ang dalawang linggong “holiday vacation”.
Ngunit nahaharap ang Department of Education sa malaking problema sa Northern Mindanao na sinalanta ng bagyong Sendong.
Sa ulat ng mga Regional Offices ng DepEd sa Region 9, 10, 11, ARMM at CARAGA, nasa 39 paaralan ang nasira, 2 ang tuluyang natangay ng bagyo habang nasa P106 milyong halaga ng pasilidad at gamit ang nasira.
Sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na nakipagkasundo na sila sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na patuloy na gagamitin ang mga paaralan bilang “evacuation areas”. Pansamantalang magsasagawa ng klase naman ang mga mag-aaral sa mga bakanteng espasyo at mga tents na ibinigay ng UNICEF.
Sa ilang mga paaralan, tututok ang mga guro sa “stress debriefing at therapy” sa mga apektadong bata na tinamaan ng delubyo.
Inalok naman ni Bishop Antonio Ledesma ng Cagayan de Oro ang kanyang simbahan bilang evacuation site habang maaari ring gamitin ang 5-ektaryang lupain ng Xavier University sa bayan ng Lumbia, Cagayan de Oro bilang evacuation area.
- Latest
- Trending