MANILA, Philippines - Isang panibagong low pressure area (LPA) ang pumasok sa Philippine Area of responsibility at mahigpit na binabantayan ngayon dahil sa posibleng maging bagyo at muling makapaminsala sa katimugang bahagi ng Mindanao.
Base sa weather satellite ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa), ganap na alas 8 ng umaga ang LPA ay namataang 860 km sa silangang bahagi ng General Santos City. Ito ay makaraang malusaw ang unang LPA kamakalawa.
Sabi ng Pagasa, malaki ang posibilidad na maging bagyo ang nasabing LPA dahil nasa karagatan ito na malaking lugar ang sakop nito base sa kanilang satellite.
Dahil nasa dagat at walang sagabal sa kaniyang paglakas, maaari umano itong maging kauna-unahang bagyo ngayong 2012. Kung mabubuo bilang tropical depression, papangalanan ito ng Pagasa bilang bagyong Ambo.
Kaya naman nagbabala ang Pagasa sa mga baybayin sa Regioin XII at Region III dahil sa posibleng pagtaas ng tubig. Inalerto din sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga nasabing lugar.