Nurse, skilled workers kailangan sa Australia

MANILA, Philippines - Target ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na makakuha ng job opportu­nities para sa mga nurse at skilled workers sa bansang Australia sa taong 2012.

Ayon sa POEA, dapat na samantalahin ng mga Pinoy ang kakulangan ng mga manggagawa sa Australia para sa mga nurse at construction at mining workers.

Sinabi ni Labor Attache Jalilo dela Torre ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) na ang shortage ng nurses sa Australia ay aabot sa 40,000 hanggang taong 2015 habang ang kakulangan sa construction industry naman ay mangangailangan ng hanggang 750,000 construction positions sa susunod na 20 taon. Aniya, may 200 “mega” projects na nakalinya sa Australia ngunit problema nila ang kakulangan ng manggagawa.

Sinabi ng POEA na makatutulong ang mga nasa­bing job opportunities sa mga Pinoy na walang hanapbuhay upang magkatrabaho ngayong taon.

Nabatid mula sa POEA na lumalaki ang bilang ng mga jobless at under-employed Pinoy nurses na halos­ aabot na sa 300,000, kabilang ang may 68,000 na kapapasa lamang sa pinakahuling nursing board examinations.

Naniniwala ang POEA na ang Australia ay maa­aring maging isang malaking alternatibong merkado para sa mga OFWs.

Show comments