MANILA, Philippines - Sa kani-kanilang piitan sinalubong nina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. ang Bagong Taon makaraang hindi maresolba ang mga mosyon nilang isinampa sa korte nitong nakaraang Disyembre 2011.
Ito’y dahil sa ginawang maagang pagbabakasyon ni Pasay City Regional Trial Court branch 112 Judge Jesus Mupas na siyang may hawak sa kaso ng dalawa na electoral sabotage. Itinakda ni Mupas ang pagdinig sa lahat ng nakasampang mosyon sa Enero 9.
Tanging si dating First Gentleman Mike Arroyo at anak na si Mikey ang kasama ni GMA sa loob ng presidential suite ng Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC).
Unang pinlano ni Arroyo na dumalo sa New Year’s eve mass sa chapel ng pagamutan ngunit biglang nagbago ang isip nito at nagpasabing ayaw makihalubilo sa karamihan ng mga tao. Sa halip, isang pribadong misa na lamang ang isinagawa sa kuwarto nito.
Mas naging mahirap naman ang kundisyon ng pamilya Abalos na muling nagsiksikan sa maliit nitong kuwarto sa Southern Police District headquarters para pagsaluhan ang kanilang “media noche”.
Sinabi ni Mandaluyong Mayor Benhur Abalos na nabago ng kaso ang kanilang tradisyon na sama-samang pagsalubong sa Bagong Taon sa kanilang “ancestral house” sa Mandaluyong. Gayunman, nagpapasalamat pa rin umano sila sa SPD at pinayagan na makasama nila ang kanilang ama sa naturang okasyon.