1 patay, 12 sunog sa Bagong Taon

MANILA, Philippines - Sa kabila ng pinaigting na kampanya ng Bureau of Fire Protection-National Capital Region (BFP-NCR) hinggil sa fire safety, may 12 insidente ng sunog ang naganap sa buong Metro Manila simula ng mag-um­pisa ang selebrasyon ng Bagong Taon ng alas-12 ng madaling araw.

Ayon sa BFP, habang nagsasaya ang marami sa pagsalubong sa bagong taon, busy naman ang kanilang kagawaran sa pag-apula sa mga nagaganap na sunog sa iba’t-ibang lugar sa MM.

Sa rekord ng BFP, may 12 kabahayan ang nasunog at 21 tawag na sunog ang natanggap simula alas-8 ng umaga ng December 2011 hanggang alas-8 ng umaga ng January 2012. Gayunman, tatlo sa mga tawag ay false alarm at isa ay umabot sa Task Force Alpha. Tatlo insidente ng sunog ay sanhi ng paputok.

Samantala, 10 kabahayan ang natupok sa may Pidera Uno Barangay 192 sa Pasay na nagsimula alas-4:21 ng umaga.

Sa pagsisiyasat, 16 pamilya ang nawalan ng tirahan, habang isang Danny Lipata, 27 ang iniulat na nasawi.

Ayon kay Chief Inspector Dauglas Guiyab, Pasay City Fire Marshal, ang biktima ay hindi residente sa lugar at bumisita lamang sa kanyang kaibigan para dito mag-celebrate ng bagong taon.

Sa rekord ng BFP-NCR ang fire incident nitong 2010 ay tumaas mula 277 para sa buwan ng December kumpara sa 188 nitong December 2011. Bagama’t may 32% ang ibinaba ng sunog, ang bilang naman ng nasawi nitong 2011 ay dumoble kumpara sa taong 2010. 

Nitong December 2010, dalawang katao ang nasawi, habang nitong December 2011 ay tumaas ito sa 24. Sa buong taon ng 2010 umabot sa 42 katao ang nasawi sa sunog habang sa 2011 ay 83 katao ang namatay.

Show comments