MANILA, Philippines - Pinaalalahanan ng Department of Education (DepEd) ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan hinggil sa pagbabalik ng klase bukas, Martes, Enero 3.
Gayunman, sinabi ni Education Secretary Armin Luistro na ipinasya nilang ipagpaliban ang pagbabalik sa paaralan ng mga mag-aaral na naapektuhan ng bagyong Sendong tulad ng mga lungsod ng Iligan at Cagayan de Oro noong nakaraang buwan.
Ani Luistro, may 39 paaralan ang nasira sa mga lugar sa Mindanao at apat sa mga ito ay totally washed out.
Ang ilang paaralan naman ay ginamit na evacuation centers ng mga residente na nawalan ng tahanan.
Nagsimula ang Christmas vacation sa mga pampublikong paaralan noong Dis. 21, 2011.
Samantala nasa diskresyon na ng mga pribadong paaralan na itakda kung kailan nila pababalikin sa klase ang kanilang mga estudyante.