Japanese nat'l, 6 pa sa Anti-Dummy 'di hina-harass
MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng presidente ng isang manning agency na hindi niya hina-harass at wala siyang isinasagawang black propaganda at misinformation laban sa isang Japanese national at anim pa nitong kasamahan na kanyang inireklamo ng paglabag sa Anti-Dummy Law.
Ito’y tugon ni Dionnie P. Guerrero, presidente ng Amethyst Shipping Company Inc. at dating stockholder ng Sun Marino Shipping Inc. (SMSI), sa ipinalabas na press statement noong Lunes ni Masaya Yorozu na handa niyang harapin ang isinampang kaso laban sa kanya pero huwag umano sana siyang i-harass at idaan sa ‘trial by publicity’ ang demanda.
Sa press statement, sinabi pa ni Yoruzu na iba’t ibang black propaganda at misinformation umano sa media ang ipinapakalat ni Guerrero na dati niyang kasosyo sa SMSI.
Ayon naman kay Guerrero, ang anumang pahayag na ginawa niya sa media ay pawang paglilinaw lamang sa pahayag ni Yorozu.
Nauna rito, inakusahan ni Senior Assistant City Prosecutor Jovencio Senados ang pitong akusado na nagsabwatan umano upang makalahok sa recruitment at placement ng mga manggagawa, samantalang alam nila na tanging mga mamamayang Filipino lamang ang pinagkakalooban ng batas na gumawa nito. Nabatid na may 80 porsyentong share si Yorozu habang 20 porsyentong share si Tomita sa SMSI na labag sa batas habang pumayag naman ang limang Filipino na ipagamit ang kanilang mga pangalan upang palitawin na sila ay may-ari ng 100 porsyentong shares ng SMSI.
Makaraang i-raffle, ang kaso ay naitalaga kay Manila RTC-Branch 45 Judge Marcelino L. Sayo, Jr. na nag-isyu ng warrants of arrest laban kay Yorozu, Masahiko Tomita, Jose Melchor M. Del Pilar, Charito Abalayan Rangel, Bernardo B. Gerardo, Asher Marino A. Kasala at Vivencio L. Tuano, Jr. na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 1 of the Anti-Dummy Law (Commonwealth Act No. 108) na inamiyendahan ng C.A. No .473. Itinakda niya ang piyansang P30,000 sa bawat isa.
Sa pinakabagong court records, ang lahat ng mga akusado ay nakapaglagak na ng tig-P30,000 na piyansa para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
- Latest
- Trending