Local execs, pulis mananagot sa mataas na bilang ng masusugatan sa paputok

MANILA, Philippines - Mananagot ang mga local executives at pulis sa bawat lugar na kanilang nasasakupan na may pinakamataas na bilang ng mga nasugatan na may kaugnayan sa paputok.

Ito ang sinabi ni Department of Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo, bilang tugon sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon kung saan inaa­sahan ang paggamit ng paputok ng ilang mamamayan.

Ayon kay Robredo, nakipag-ugnayan na siya kay Health Secretary Enrique Ona para pagham­bingin nila ang nakuha nilang data pagkatapos ng bagong taon para matignan kung anong lugar ang may pinakamataas na insidente na nasugatan sa paputok.

Sabi ng kalihim, gagawa sila ng report sa lugar na may pinakamataas na bilang ng mga nasugatan saka nila tatawagan ng atensyon ang alkalde at hepe ng pulisya dito, para magawan nila ng karagdagang pagsisikap pagda­ting sa pagpapatupad nito.

Kaugnay naman sa mga pagpapaputok ng baril ng mga kapulisan, sinabi ng kalihim na hindi sapat na pawang mga pulis lamang ang isangkot sa anumang insidente ng indiscriminate firing.

Giit ni Robredo, kailangang lahat ng mga humahawak ng baril tulad ng security guard at iba pa ay dapat na i-random paraffin test upang mapatunayan kung sino ang gumamit ng kanilang baril sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Mapapansin na tuwing ganitong panahon ay tanging ang PNP lamang ang binubusalan ng baril na hindi umano akma dahil mas kailangan nila ang ganitong gamit dahil sa kanilang trabaho bilang tagapagbantay ng mamamayan.

Show comments