MANILA, Philippines - Labag umano sa impeachment rule ang pagkuha ng House prosecution panel ng private lawyer para sa gagawing paglilitis kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona kaugnay ng impeachment case na kinahaharap nito.
Ayon kay defense lead counsel at dating associate justice Serafin Cuevas, iginiit nitong labag umano sa impeachment rules ang pagkuha ng prosecution panel kay Atty. Mario Bautista, bilang lead private prosecutor.
Sinabi ni Cuevas, malinaw umano ang nakasaad sa Rule 6, Sec. 15 ng impeachment rule na tanging ang House of Representatives lamang ang tatayong prosecutor sa impeachment trial.
“Malinaw po ang Rule 6, Section 15 ng Rules na ‘The House of Representatives shall act as the sole prosecutor at the trial in the Senate through a committee of 11 members thereof to be elected by a majority vote.’ Ang sinasabi dito sole. Hindi naman sinasabing puwedeng kumuha ng private prosecutor,” giit ng dating mahistrado ng SC.
Kinuwestyon din ni Cuevas ang pondong gagamitin ng Kamara na pambayad sa serbisyo ni Bautista.
Maalala na si Bautista ang nagprisinta noon sa star witness na si Clarita Ocampo sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada.
Sa paliwanag ni prosecution panel spokesman at Marikina Rep. Romero Quimbo, inihayag ng mambabatas na trabaho umano ni Bautista ang pagsagawa ng “overall legal strategy” sa gagawing paglilitis kay Corona.?Pinabulaanan naman ni Cuevas ang alegasyon ng impeachment prosecution panel na bahagi ng “delaying tactics” ng punong mahistrado ang hirit nitong motion for preliminary hearing sa Senado.
Ayon kay Cuevas, nais lamang nilang matiyak na nasusunod ang due process ng batas sa kaso ng kanilang kliyente.
Isa umano sa karapatan ng isang akusado ay matiyak ang due process sa kaniyang kaso.