GMA kinasuhan sa NBN-ZTE
MANILA, Philippines - Kinasuhan ng Ombudsman ng graft sa Sandiganbayan si dating Pangulo at Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay sa maanomalyang National Broadband Network-ZTE deal.
Ayon kay Sandiganbayan spokesman Renato Bocar, ang kaso ay irarapol sa Enero 2 kung kanino mapupunta ito at doon pa lamang madedetermina kung mayroong probable cause para mag palabas ng warrant of arrest.
Noong Setyembre ay kinasuhan ng Bayan Muna Partylist si Arroyo ng 2 counts ng paglabag sa Anti-Graft Law at 1 count ng paglabag sa Code of Conduct and Ethical Standard for public officials and employees.
Bukod kay Mrs. Arroyo ay kinasuhan din ang mister nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo, dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. at dating DOTC Sec. Leandro Mendoza.
Ayon kay Bocar, si CGMA at mga kasama nitong akusado ay puwedeng maghain ng bail para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Si CGMA ay dapat maglagak ng piyansang P70,000 habang sina Abalos at Atty. Arroyo ay dapat maglagak ng tig-P30,000 piyansa.
Kasalukuyang nasa hospital arrest si CGMA sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) dahil sa kasong electoral sabotage.
Nahaharap din sa reklamong plunder at graft charges si CGMA sa tanggapan ng Ombudsman.
Magugunita na isinangkot si CGMA sa NBN-ZTE deal nina dating House Speaker Jose de Venecia, anak nitong si Joey de Venecia at whistle-blower Jun Lozada.
Samantala, nilinaw ng Malacañang na dapat magkaroon ng closure ang lahat ng kinasangkutan ng nakaraang administrasyon matapos kasuhan ng Ombudsman sa Sandiganbayan ng graft si Mrs. Arroyo kaugnay sa NBN-ZTE deal.
Aalamin din ng Palasyo kung bakit graft charges at hindi plunder ang naisampang kaso kay CGMA ng Ombudsman.
- Latest
- Trending