6 katao patay sa flashflood
MANILA, Philippines - Umaabot na sa anim katao ang naitalang nasawi dulot ng flashflood na epekto ng nararanasang northeast monsoon na nakaapekto sa Luzon, Low Pressure Area sa southeast ng Zamboanga City at tail-end of cold front sa Visayas Region na dumaranas rin ng grabeng pag-ulan.
Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC apat na katao ang naireport na nasawi matapos malunod sa Brgy Estrella at Old Centro sa San Mateo, Isabela.
Kinilala ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos ang mga biktima na sina Evelyn Alejo, nalunod sa kasagsagan ng pagbaha, Jeff Santos dead on arrival sa pagamutan matapos malunod; pawang nalunod noong Pasko at nadagdag naman noong Lunes sina Joana Alejo at Jomer Alejo na natagpuan na lamang patay habang mataas ang tubig-baha. Samantalang 2 katao naman ang naitala ring patay kamakalawa sa Brgy. San Isidro Tabogon, Cebu matapos ring malunod.
Sa kasalukuyan ay pinaghahanap pa rin ang nawawalang 1 anyos at pitong buwang batang babae na si Roan Libres na nawala sa kasagsagan ng pagbaha sa Surigao City sa CARAGA Region.
Samantala sa kabuuan umabot na sa 10,592 pamilya o kabuuang 53,455 katao ang apektado ng mga pagbaha sa 240 barangay, 40 munisipalidad at 13 lungsod sa Regions IV-A, V, VI, VII, VIII, X at Caraga Region. Kinumpirma naman ni Ramos na sa ngayon humupa na ang pagbaha sa ilang lugar sa Visayas Region.
- Latest
- Trending