MANILA, Philippines - Ipinahayag ng Department of Health (DOH) na tatlong araw pa bago ang pagsalubong sa Taon 2012 ay umakyat na sa mahigit 100 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa bansa.
Sa DOH Surveillance Update, nabatid na mula Disyembre 21 hanggang 6:00 ng umaga ng Disyembre 27, ay nakapagtala sila ng 113 fireworks-related injuries (FRI).
Mas mababa pa rin naman ito ng 42 kaso o 27 porsiyento mula sa naitalang 155 kaso noong nakaraang taon sa kahalintulad na petsa.
Gayunman, sa kabila nito ay hindi maiwasan ng DOH ang mangamba dahil sa posibilidad na madaragdagan pa ang mga biktima ng paputok habang papalapit ang Bagong Taon.
Tiniyak naman ni Health Secretary Enrique Ona na lalo pa nilang paiigtingin ang kanilang “Aksyon: Paputok Injury Reduction” (APRI) program upang hikayatin ang mga mamamayan na huwag magpaputok sa pagsalubong ng bagong taon.
Nabatid na sa kabuuang bilang, 105 kaso (93%) ang dulot ng paputok, pito (6%) ang tinamaan ng ligaw na bala, at ang isa (1%) ang firecracker ingestion.
Ang pinakahuling biktima ng stray bullet ay isang 35-anyos na lalaki na naglalakad lamang malapit sa sementeryo sa Parañaque City.
Naniniwala ang DOH na ang mas mababang insidente ng FRI ay bunsod nang pakikilahok ng mga local government at non-government organizations (NGOs) sa kampanya nila laban sa paputok.