Petsa ng balik-klase sa CDO pinag-aaralan pa - DepEd
MANILA, Philippines - Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na pinag-aaralan pa nila sa ngayon kung kailan maaaring makabalik sa klase ang mga mag-aaral sa Cagayan de Oro City na naapektuhan ng bagyong Sendong at posible umanong ianunsiyo na nila ang kanilang desisyon hinggil dito ngayong araw.
Ang paglilinaw ay ginawa ni DepEd Undersecretary at spokesman Tony Umali kasunod ng ulat na pumayag ang DepEd na sa Pebrero, 2012 na magbabalik sa paaralan ang mga mag-aaral mula sa Cagayan de Oro City dahil na rin ng kahilingan ng mga lokal na opisyal ng lungsod.
Ayon kay Umali, nakatanggap nga sila ng request mula kay Cagayan de Oro City Mayor Vicente Emano na i-delay ang pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aaral, ngunit wala pa umanong desisyon hinggil dito ang DepEd.
Sa ngayon aniya ay buo pa rin ang pasya ni Education Secretary Armin Luistro na papasukin na sa Enero 3, 2012 ang mga mag-aaral na nabiktima ng bagyo dahil sa palagay ng kalihim ay malaki ang maitutulong nito sa kanila upang maabala ang kanilang isipan at makalimutan ang kanilang mapait na karanasan.
Umaasa naman si Umali na makapagbibigay ang DepEd ng anunsiyo hinggil sa pagbabalik-eskuwela ng mga mag-aaral sa mga typhoon-hit areas ngayong araw (Huwebes).
Gayunman, tiniyak nito na magiging rasonable ang DepEd at kung talagang hindi kakayanin na makabalik sa paaralan ang mga estudyante sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo ay hindi nila ito pipilitin, lalo na para sa mga mag-aaral na nakatira ngayon sa mga lugar na napakalayo sa kanilang paaralan.
Una nang humiling ang local government ng CDO sa DepEd na iantala ang pagbabalik sa klase ng mga mag-aaral sa kanilang lugar dahil marami pa umanong mga paaralan na nasira ng bagyo at ang ilan sa mga ito ay ginawang evacuation centers ng mga residenteng nawalan ng tahanan.
Inatasan na ni Luistro ang mga inhinyero ng DepEd na madaliin ang pagkukumpuni sa mga paaralang sinira ng bagyo, o di kaya’y gumawa ng mga makeshift classrooms para sa mga mag-aaral.
- Latest
- Trending