MANILA, Philippines - Dumistansiya ang Malacanang sa naging pahayag ni Presidential Adviser on Climate Change Sec. Neric Acosta ukol sa suspension order sa kanya ng Sandiganbayan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ipinauubaya ng Palasyo kay Sec. Acosta at sa kanyang mga abugado ang pagsagot hinggil sa graft case nito na nakahain sa anti-graft court.
Magugunita na sinabi ni Acosta na hindi siya puwedeng suspindihin ng Sandiganbayan dahil siya ay presidential appointee ni Pangulong Benigno Aquino.
Wika pa ni Acosta, kapag siya ay sinuspindi ng korte ay parang sinuspinde na din nito si Pangulong Aquino na nagluklok sa kanya bilang presidential adviser on climate change at administrator ng Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Ayaw naman ituring ng Palasyo na arogante ang naging pahayag ni Acosta ng sabihin nitong hindi siya puwedeng suspindihin ng korte dahil appointee siya ng Pangulo.
Idinagdag pa ni Lacierda, hihingan din niya ng reaksyon si Pangulong Aquino hinggil sa naging pahayag ni Acosta na hindi daw ito puwedeng suspindihin ng korte.