MANILA, Philippines - Ipinalabas ng San Juan City Regional Trial Court Branch 264 noong Disyembre 14, 2011 ang magkakahiwalay na kautusan sa Civil Case No. 3661 at 3662 na pumipigil sa isang Anton Wong sa panunungkulan bilang district governor ng District 301-AI ng Lions Club International.
Inatasan din ng korte si Wong na ibigay ang posisyon sa abogadong si Romulo B. Lumauig bilang duly-elected candidate dito.
Ang iba pang matataas na opisyal ng Lions, si Scott Drumheller, state council of Governors, ay inatasan ding kilalanin si Lumauig bilang District Governor para sa natitirang Lion Fiscal Year 2011-2012.
Lumilitaw sa rekord ng korte na ang complainant ay nagsampa ng kanilang inamyendahang reklamo noong Nobyembre 21, 2011 na bumabatikos sa umano’y iregularidad sa halalang ginanap noong Mayo 28, 2011 sa Davao City dahil maraming delegado mula sa iba’t-ibang club ang hindi pinaboto.
Bunga ng election protest ni Ruth Chua, inutos ng international board ng Lions Club International ang pagdaraos ng special election na ang naglaban sa posisyon ay sina Edward Tan at Lumauig.
Inireklamo ng complainant na may daya umano ang special election. Hindi nalutas ang isyu pero itinalaga ni Scott Drumheller si Wong bilang District Governor, Ruth Chua bilang First Vice District Govenor at Henry Tiu bilang 2nd Vice District Governor.