P.5-M sa ulo ni Palparan
MANILA, Philippines - Para mapabilis ang paghuli kay retired Phil. Army Major Gen. Jovito Palparan ay nagpalabas na ng pabuyang P500,000 ang pamahalaan bilang reward sa sinumang tao na makakapagturo sa kinaroroonan nito.
Ayon kay Interior and Local Government Sec. Jesse Robredo, ang nasabing reward money ay ibabahagi ng PNP-DILG sa sinumang makakapagturo sa kinaroroonan ng dating heneral na ngayon ay nagtatago matapos ilabas ang warrant of arrest laban sa kanya sa kasong kidnapping at illegal detention ng dalawang UP students noong Hunyo 2006.
“Naniniwala kami na nasa loob pa siya ng bansa at kailangan siguro ang tulong ng mamamayan para matukoy na kung nasaan siya upang maumpisahan na po ang paggulong ng hustisya,” ani Robredo.
Bibigyan naman umano si Palparan ng pagkakataong idepensa ang kanyang sarili para sa patas na hustisya.
Nanawagan din ang kalihim sa taongbayan na kontakin lamang ang tanggapan ng DILG o makipag-ugnayan sa kahit sinong chief of police sa kanilang mga lugar para sa anumang impormasyon.
Kinumpirma naman ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome na mayroon ng lumapit sa kanilang mga emisaryo para sa posibleng pagsuko ni Palparan. Nais lang umanong matiyak ni Palparan ang kaniyang kaligtasan bago siya lumantad at sumuko sa batas.
Kahapon ay nagpakalat na rin ng mga wanted posters ni Palparan ang mga militanteng grupo sa iba’t-ibang lugar sa Metro Manila.
- Latest
- Trending