Mt. Bulusan nagbabadya ng pagsabog
MANILA, Philippines - Muling nagparamdam ng pagka-alburuto ang bulkang Bulusan matapos makapagtala ng siyam na pagyanig sa paligid nito kahapon.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang nasabing pagyanig sa bulkang Bulusan sa Sorsogon sa nakalipas na 24 oras.
Kaya naman, binalaan ng Phivolcs ang publiko na mag-ingat at maging vigilante sa sandaling tumaas pa ang paglakas nito.
Ayon kay Phivolcs director Renato Solidum, hindi pa nila direktang maobserbahan ang steaming activity ng bulkan dahil sa kapal ng ulap na nakapalibot sa crater nito.
Gayunman, mataas pa rin aniya ang posibilidad na makaranas ng ash at steam explosion ang bulkan.
Pinaiiwas din ni Solidum ang publiko na pumasok sa 4-kilometer radius permanent danger zone (PDZ) lalo’t nakataas pa rin ang alert level 1 sa paligid ng bulkan.
Habang ang mga nakatirang residente malapit sa ilog ay pinaalalahanan ng Phivolcs na maging mapagbantay sa lahar na maaaring dumaloy sa mga batis sakaling bumuhos ang malakas na ulan.
- Latest
- Trending