MANILA, Philippines - Umapela si Philippine Red Cross chair Richard Gordon sa publiko na mag-donate ng dugo dahil ito ang pinakamahal at pinakamahalagang regalong maihahandog sa kapwa.
Karaniwan na aniya, tuwing holiday season halos wala o kaunti lamang ang nagdo-donate ng dugo, gayung mas kailangan ito sakaling magkaroon ng emergency ang mga panahong ito.
“The most precious gift you can give to your fellowmen is a part of yourself. Give blood on Christmas,” ayon kay Gordon.
Hinikayat din ni PNRC Secretary General Gwendolyn Pang ang mga pinuno ng 77 PNRC blood centers at facilities sa buong bansa na manatiling aktibo sa pag-recruit ng blood donors.
Mas kailangan umanong maging available ang lahat ng type ng dugo upang may maidugtong-buhay sa mga mangangailangan nito lalo na sa inaasahang emergency dahil sa mga nabibiktima ng paputok, stray bullets at iba pang emergencies sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Kahit sino naman aniyang indibidwal ay maaaring mag-donate ng dugo, maging lalaki man o babae na nasa pagitan ng 18 hanggang 65 taong gulang.
Kinakailangan lamang na bumisita sa PNRC National Blood Center sa Bonifacio Drive, Port Area, Manila at iba pang regional blood centers at pasilidad sa kanilang lugar.