MANILA, Philippines - “Aarestuhin” ng Communist Party of the Philippines ang mga landlord at ibang tao na nagwawasak sa kapaligiran kasabay ng paglulunsad ng “people’s war.”
Ito ang ipinahayag ng Communist Party of the Philippines sa bisperas o bago sumapit ang ika-43 anibersaryo nito.
Ginawa ng CPP ang pahayag kasunod nang naganap na pagbahang dulot ng bagyong Sendong na ikinasawi ng mahigit 1,000 katao. Sinisi sa baha ang talamak na illegal logging at mining activities sa Mindanao.
Dapat arestuhin at litisin ang mga landlord na marahas na tumututol sa repormang agraryo, mga lumalabag sa karapatang pantao, mandarambong sa kaban ng bayan o plunderer, drug lord at espiya ng kaaway,” sabi sa pahayag ng CPP na lumabas sa website nito sa internet.
Sinisisi ng ilang grupong kinabibilangan ng mga militanteng maka-Kaliwa sa naganap na pagbaha at ibang trahedya sa Mindanao ang malawakang iligal na pagtotroso at pagmimina.