Pamilya Abalos nagsalo sa noche buena sa selda
MANILA, Philippines - Pinagsaluhan ng buong pamilya Abalos ang kanilang “Noche Buena” sa loob ng maliit na selda ni dating Commission on Elections (Comelec) Chairman Benjamin Abalos Sr. makaraang pagbigyan ng Southern Police District (SPD) ang pagpapahaba ng oras ng pagbisita ng kanyang pamilya ngayong Pasko.
Sa log book ng SPD Headquarters, dakong alas-5 kamakalawa ng hapon nang dumating ang buong pamilya Abalos sa pangunguna ng misis nito na si Cora at anak na si Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos at umalis dakong alas-9:00 na ng gabi.
Bitbit ng pamilya Abalos ang kanilang mga handa na kanilang pinagsaluhan kahit na nagsisiksikan sa maliit na kuwarto ng Special Operations Task Group ng SPD.
Sinabi naman ni SPD Headquarters Camp Commander Superintendent Demetrio Pagaduan na muling babalik ang regular na visiting hours para kay Abalos na alas-9:00 hanggang alas-11:00 ng umaga at ala-1:00 hanggang alas-4 ng hapon sa regular na mga araw.
Matatandaan na unang hiniling ng pamilya Abalos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na pahabain ang visiting hours ngayong Pasko para magkasama silang magpapamilya. Umaasa rin ang pamilya Abalos na mapagbibigyan rin sila na masalubong ang Bagong Taon na magkakasama sa SPD.
Nananatili pa rin naman ang mosyon ni Abalos para sa “house arrest” ngunit nagpalabas ng kautusan si Pasay City Regional Trial Court branch 112 Judge Jesus Mupas na pagkatapos na ng Disyembre niya dedesisyunan ang lahat ng mosyong isinumite sa kanyang sala.
- Latest
- Trending