MANILA, Philippines - Naniniwala si Sen. Loren Legarda na kulang pa sa paghahanda ang mga Filipino pagdating sa kalamidad.
Ayon kay Legarda, chairman ng Committee on Climate Change, walang saysay ang pagbibigay ng mga babala sa paparating na kalamidad sa bansa kung wala namang kaukulang paghahanda ang mga tatamaan nito.
Naiwasan sana umano ang pagkasawi ng maraming mamamayan sa mga lalawigan na dinaanan ni Sendong sa Mindanao kung nagkaroon ng sapat na paghahanda lalo na ang lokal na pamahalaan.
Mismong mga residente aniya sa Iligan at Cagayan de Oro City ang nagsabi na wala silang natanggap na early warning o babala kaya’t nagulantang sila sa nangyari.
Kinuwestiyon din ni Legarda kung meron bang “climate war room” ang Malacañang kung saan ay nakaalerto ang lahat ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno kapag may kalamidad.
Kailangan na anyang humanap ang DSWD ng mga maaring temporary shelter na may mga nakahandang blanket, may malinis na tubig at palikuran na magagamit tuwing may kalamidad.
Samantala, inatasan ni Pangulong Aquino ang Budget department na dagdagan ng P150 milyon ang pondo ng Department of Science and Technology para sa paglalagay ng 1,000 automatic water level sensor sa bansa para matulungan ang mga forecasters sa water level ng mga ilog.