MANILA, Philippines - Gaano man katinding magtago, tiwala si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Nicanor Bartolome na babagsak rin sa kamay ng batas ang ngayo’y itinuturing ng pugante na si dating ret. Army Major Gen. Jovito Palparan.
Ito’y kasunod na rin ng pagmamatigas ni Palparan na sumuko sa batas dahil hindi umano siya makakakuha ng patas na imbestigasyon sa kasong ibinibintang laban sa kaniya.
Una nang nagpalabas ng warrant of arrest ang korte ng Malolos City, Bulacan laban kay Palparan at tatlong iba pa kaugnay ng umano’y misteryosong pagkawala ng 2 UP students na sina Karen Empeno at Sherlyn Cadapan dinukot umano noong Hunyo 2006.
Ayon pa kay Bartolome, ngayong nakahanda nang magpalabas ng reward ang pamahalaan kay Palparan ay mapapabilis na ang pagdakip dito para panagutin sa kaniyang kaso.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang paggalugad ng 13 tracking teams ng PNP-CIDG upang hanapin si Palparan at Master Sgt. Hilario. Si Palparan na tinaguriang “berdugo” ng New People’s Army (NPA) ay dating Commanding General ng Army’s 7th Infantry Division sa Central Luzon ng mangyari ang insidente.
Samantalang ang dalawa pa na sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr. at Staff Sergeant Edgardo Osorio ay sumurender na sa batas.