Mister iniwan ni misis, nang-hostage, utas!
MANILA, Philippines - Naging mitsa ng kamatayan ng isang mister ang pangho-hostage nito ng tatlong menor de edad matapos itong mabaril ng nagrespondeng mga operatiba ng pulisya nang magwala at saksakin na ang isa sa mga bata sa Toledo City, Cebu kahapon ng umaga.
Base sa ulat ng Toledo City Police, kinilala ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., ang napatay na hostage-taker na si Allan Bolo.
Isinugod naman sa pagamutan ang sinaksak nitong si Arvy Plando habang ang dalawa pa sa mga menor-de-edad na sina Juvy at Junjun Guiquing ay dinala muna sa tanggapan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa debriefing kaugnay ng sinapit ng mga itong trauma.
Alas-6:30 ng umaga ayon kay Cruz ng ihostage ng suspek ang tatlong bata na natiyempuhan nitong naglalaro sa kanilang bakuran ng mabatid na iniwan siya ng kaniyang misis.
Agad namang nagresponde ang mga operatiba ng pulisya sa lugar pero nabigong mapasuko ang suspek sa loob ng limang oras na negosasyon hanggang sa saksakin na nito si Plando.
Dito na napilitan ang sniper na puntiryahin ng putok ang suspek na dead-on-the-spot sa insidente habang agad na isinugod sa pagamutan ang biktima.
- Latest
- Trending