Pinoy pinalilikas sa Syria!

MANILA, Philippines - Dahil sa tumitinding­ karahasan sa Syria, itinaas na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang crisis alert mula sa alert level 3 sa alert level 4 para sa kaligtasan ng libu-libong Pinoy na nagtatrabaho sa nasabing bansa.

“In view of the escalating violence in Syria, the Department of Fo­reign Affairs will be raising Alert Level 4 for the entire country of Syria effective today,” ayon kay Foreign Affairs Secretary Albert F. del Rosario.

Bunsod nito, may 17,000 Pinoy ang kina­kailangang ipasailalim sa mandatory evacuation o sapilitang paglilikas na gagastusan ng pamahalaan bunsod ng tumataas na tensyon doon na nagsimula pa noong Pebrero.

Inatasan ni del Rosario si Executive Director for Migrant Workers Affairs, Ambassador Ri­cardo M. Endaya, na agad na tumungo sa Syria upang mag-assist sa Philippine Embassy para sa mabilisang paglilikas sa mga Pinoy na naiipit sa karahasan.

Pinapayuhan ang mga Pinoy sa Syria na panatilihing nakabukas ang kanilang komunikas­yon sa Embahada at sa mga community at ipa­alam ang kanilang kina­roroonan.

Mula sa tinatayang 17,000 Pinoy sa Syria, may 5,000 Pinoy lamang ang naka-rehistro sa Embahada sa Damascus.

Noong Agosto 16 ay nasa alert level 3 lamang ang crisis alert sa Syria kung saan sinimulan ang voluntary evacuation sa mga Pinoy na karamihan ay undocumented.

Binuksan na rin ng Embahada ang kanilang number na 00-963-116-132626 para sa Pinoy at kanilang pamilya na hihingi ng assistance at may mga katanungan. Maaari rin silang makipag-komunikasyon sa pamamagitan ng Embassy’s e-mail address pe.damascus@gmail.com.

Sa Manila, pinagana na ng DFA ang kanilang hot­line na 834-3245 at 834-3240 para sa nagna­nais na ma­laman ang ka­la­gayan ng kanilang ka­anak sa Syria.

Show comments