MANILA, Philippines - Tumulak na ang malawakang relief drive ng Lucio Tan Group sa mga nasalanta at nasawi sa trahedyang dulot ng bagyong Sendong sa Hilagang Mindanao at mga karatig lalawigan.
Sinimulan ng Philippine Airlines (PAL) kahapon na ilipad nang walang bayad ang libu-libong pakete ng pagkain, tubig, damit at maging body bags na maaaring paglagyan sa mga nasawing biktima ng baha.
Pinangunahan ang relief drive ng Tan Yan Kee Foundation at mga Tan companies tulad ng Asia Brewery, Agua Vida, Tanduay, PMFTC at iba pang partner organizations.
Kasama sa mga ipapamahagi ang relief goods para sa 10,000 pamilya, 350,000 bote ng Absolute at Summit water, damit at tsinelas. Kasalukuyang bumibiyahe na rin patungong Cagayan de Oro at Iligan ang dalawang mobile water stations ng Agua Vida na kayang mag-supply ng 16,000 litro ng malinis na inuming tubig kada araw.
Sa pamamagitan ng Tan Yan Kee Foundation, nag-donate din ang Fo Guang Shan Buddhist monastery sa Taipei ng 1,000 body bags at 5,000 kumot. Isinakay ng PAL nang walang bayad ang donasyon mula Taiwan patungong Maynila at Cagayan de Oro.
Katuwang rin ng Tan Yan Kee Foundation ang American Chamber of Commerce na nagbigay ng banig, kulambo at 2,000 pakete ng relief goods.
Tutulak ngayong Biyernes ang mga kinatawan ng Tan Yan Kee Foundation kasama sina Venerable Miao Jing, pinuno ng Fo Guang Shan Temple Philippines, Venerable Miao Geng, Alvin Sia Tan at Beau Florenosos. Bukod sa relief mission, mag-aalay ang grupo ng panalangin para sa mga biktima ng kalamidad.
Noong Martes, personal na bumisita si PAL Chairman Lucio Tan sa Cagayan de Oro upang pangunahan ang relief operations kasama ang mga pinuno ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Cagayan de Oro Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry and Federation of Filipino-Chinese Associations of the Philippines, Inc.