MANILA, Philippines - Hindi naapektuhan ang turismo sa bansa sa pananalasa ni bagyong Sendong sa Visayas at Mindanao.
Sinabi ni Tourism Sec. Ramon Jimenez na bagama’t hindi pangkaraniwan at kakaibang sakuna ang naranasan ng Cagayan de Oro City, Iligan City, Dumaguete at Palawan sanhi ng bagyong Sendong at ilang lalawigan sa Northern Luzon sanhi naman ng pag-ulan ay hindi naman lubos na naapektuhan ang pagdagsa ng turista sa bansa.
Wika ni Jimenez, nanatiling bukas pa rin ang mga airport at sea port sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Aniya, inaasahan din ng DOT na lalampas sa kanilang target na 3.7 milyong ang turista sa taong 2011 habang ang kanilang target na tourist arrivals naman sa 2012 ay nasa 4.2 milyon.