MANILA, Philippines - Takot ngayong kumain ng mga isda, pusit at iba pang seafoods ang mga residente sa Iligan at Cagayan de Oro matapos maglutangan sa dagat ang mga bangkay na nasawi sa bagyong Sendong noong Disyembre 17.
Kinumpirma ni Brig. Gen. Roland Amarille, Army’s 1st Infantry Division assistant commander at personal na nagsusuperbisa sa search and retrieval operation, na dahil sa bulto ng mga bangkay na narerekober sa Iligan Bay ay umiiwas kumain ng isda, pugita at pusit ang mga residente sa lungsod.
Ganito rin ang sitwasyon sa Cagayan de Oro City at mga karatig lugar lalo pa at napakarami ring mga bangkay ang naglutangan sa Macajalar Bay.
Inamin rin ni Amarille na karamihan sa mga narekober na bangkay ay lumobo at masangsang na ang amoy at nagsisimula ng maagnas at pinapapak na ng mga isda, pugita at pusit sa Iligan Bay.
Aminado rin ang heneral na maging siya at ang kaniyang mga tauhan sa search and retrieval team ay umiiwas munang kumain ng naturang mga pagkaing dagat at nagtitiyaga muna sila sa de lata, gulay at karne.
Samantala may mga bangkay ding naispatan ang mga divers ng Philippine Coast Guard (PCG), mga volunteers at Philippine Navy na nadaganan ng mga naglalakihang troso sa ilalim ng dagat ng Iligan Bay.
“May possibilities na marami pang pinned bodies sa mga logs because of the stinking odor coming from the water from the deepest part of Iligan Bay,” ani Amarille base sa salaysay ng mga divers.
Sa tala ng National Disaster Risk Reduction Council (NDRRMC), nasa 1,018 na ang nasawi kay Sendong.
Inihayag naman ni Amarille na sa update niya, aabot sa 1,059 ang lumilitaw na nasawi.
Ayon kay NDRRMC Director Benito Ramos na nagtungo sa Cagayan de Oro City, aabot sa 33,000 katao ang nasa evacuation center sa lungsod at maging sa Iligan City na wala ng babalikang mga tahanan at tanging mga damit na suot sa katawan lamang ang naisalba.