MANILA, Philippines - Magkasamang inanyayahan kahapon ng pamunuan ng National Parks Development Committee (NPDC) at Sony Philippines Inc., ang publiko na makisaya at lumahok sa ikalawang taon ng Rizal Park’s Photography Contest.
Ginawa ang naturang paanyaya kasabay ng press launching at signing of partnership nito kahapon sa Bulwagan ng Kagitingan, Rizal Park, Manila na dinaluhan nina NPDC Executive Director Juliet H. Villegas at Sony Philippines Inc., President and Managing Director Mr. Takao Kuroda, bilang official partner sa naturang proyekto.
Ayon kay Villegas, ang naturang patimpalak ay bukas para sa lahat ng amateur photographers, professional photographers, at mga lehitimong photojournalists mula sa national daily newsprint publication na pormal na nagsimula kahapon.
Ilan sa mga mechanics ng nasabing contest ay; kinakailangang maipakita sa mga isusumiteng larawan ng mga photographers ang kakaibang kasiyahan sa Rizal Park sa panahon ng Christmas season partikular sa New Year countdown to 2012. Para sa mga amateur at professional photographers ang bawat entries na ipapasa ng kalahok ay kinakailangang ma-post muna sa opisyal na website ng NPDC na www.nationalparks.ph. Bahagi rin ng criteria ang pagkalap ng “likes” sa bawat picture na ipo-post. Hindi lalampas sa tatlong entries ang maaaring isumite ng bawat amateur at professional photographers, habang limang publish photos naman ang maaaring isumite ng mga lensman buhat sa daily national newspaper.