Palit-tanim ikinasa ng DA
MANILA, Philippines - Ikinakasa na ng Department of Agriculture (DA) ang palit-tanim program bilang ayuda sa mga magsasakang sinalanta ng bagyong Sendong sa Mindanao.
Ayon kay DA Secretary Proceso Alcala, makakatanggap ng 100 percent seed subsidy para sa palay at mais ang mga magsasakang totally damage ang mga pananim habang 50 percent subsidy naman ang matatanggap ng mga magsasaka na bahagyang nasira ang mga pananim.
Pumalo na sa P 8.1 milyon ng agrikultura ang nasira sa limang rehiyon matapos manalasa si Sendong.
Ayon kay Alcala, halos 4,000 ektarya ang nasira mula sa regions 4B, 5, 9, 10 at 11.
Sa nasabing bilang anya, halos 2,000 ay taniman ng palay habang ang kalahati ay taniman ng mais.
Sa talaan ng DA, ang Palawan ang nakapagtala ng may pinakamalawak na pinsala ng pananim ng palayan at sinusundan ito ng Camarines Sur, Davao del Norte at Northern Mindanao.
Ayon kay Alcala, patuloy pa ang kanilang assessment kung magkanong halaga ng livestock at palaisdaan ang nasira ni Sendong.
- Latest
- Trending