MANILA, Philippines - Ipinakita ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang buong pwersa nito kaugnay sa kinakaharap na impeachment ni Chief Justice Renato Corona.
Sa isang pulong balitaan, sama-samang humarap sa media ang lahat ng governors o kinatawan ng IBP mula sa iba’t ibang lalawigan sa buong bansa sa pangunguna ni IBP President Roan Libarios.
Kasabay nito, sinabi ni Libarios na bumuo na sila ng Impeachment Watch kasama ang mga volunteer lawyers na magmomonitor sa mga development ng impeachment.
Isang IBP communications group din umano ang kanilang binuo naman na naglalayong ipaalam at ipaunawa sa publiko ang epekto ng impeachment at epekto nito sa judicial independence sa bansa.
Sinabi ni Libarios na sa ngayon ay may iba’t ibang institusyon at mga paaralan na ang nag-iimbita sa kanila para magsagawa ng mga forum at debate kaugnay ng impeachment at mga epekto nito.
Nilinaw ni Libarios na ito na lamang ang kanilang magagawa bilang pagsuporta sa punong mahistrado na siyang leader ng hudikatura.
Matapos kasi aniya ang dalawang araw na deliberasyon kasama ang kanilang mga myembro hinggil sa aksyon na kanilang maaaring gawin para ipagtanggol ang nasisirang imahe ng hudikatura ay napagkasunduan nila na gumawa ng hakbang na hindi naman masasakripisyo ang kanilang independence.
Magugunitang mistulang inilagay ng Kamara ang sarili sa kapangyarihan na magpaliwanag ng batas sa pamamagitan ng pagpapatalsik kay Corona sa puwesto gamit ang mga desisyong inilabas ng Kataas-taasang Hukuman na sinasabi ngayong unconstitutional.