Pambili ng paputok idonate sa mga biktima ni 'Sendong'
MANILA, Philippines - Mas makabubuti kung ido-donate na lamang sa mga biktima ni ‘Sendong’ ang mga perang gagastusin sa pambili ng paputok.
Ito ang apela ni Health Secretary Enrique Ona sa mamamayang Filipino matapos na salantain ni Sendong ang Cagayan de Oro at Iligan City.
Ayon kay Ona, nakakalungkot lamang dahil Pilipinas pa ang nagiging target ng kalamidad lalo pa’t nalalapit ang panahon ng Pasko.
Aniya, mas malawak ang mararating ng perang gagastusin sa paputok sa pagbangon at rehabilitasyon ng mga sinalanta ni Sendong.
Direktang sinalanta ni Sendong ang Northern Mindanao, kung saan daang katao ang namatay at kabahayan ang nasira.
Dagdag pa ni Ona, ginagawa ng DOH at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan ang lahat ng paraan upang matugunan ang pangangailangan ng mga biktima.
- Latest
- Trending