MANILA, Philippines - Nagdeklara na kahapon ng apat na araw na tigil putukan ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa lahat ng command at units ng New People’s Army (NPA) kaugnay ng pagbibigay diwa sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Sa ipinalabas na kalatas kahapon ng Central Committee ng CPP, ang tigil putukan ay oobserbahan mula hatinggabi ng Disyembre 24 hanggang alas-11:59 ng gabi sa Disyembre 26. Gayundin mula alas-12 ng hatinggabi ng Disyembre 31 at tatagal ng hanggang alas-11:59 ng gabi hanggang Enero 2 , 2012.
Unang nagdeklara ng 18 araw na tigil putukan ang pamahalaan mula Disyembre 16 ng taong ito hanggang Enero 2 ng susunod ring taon.
Sa kautusang ibinaba ng CPP, pinagbawalan nito ang lahat ng commands at units ng NPA na maglunsad ng opensiba laban sa tropa ng AFP, PNP at paramilitary forces ng pamahalaan tulad ng mga CAFGU.
Idinagdag pa ng CPP na sa pamamagitan ng ceasefire ay makababa sa kapatagan ang kanilang puwersa.