MANILA, Philippines - Ipinagpaliban na lamang ng ilang kongresista ang magarbong Christmas party bilang pakikisimpatiya sa mga daan-daang biktima ng bagyong Sendong sa mga lalawigan ng Cagayan de Oro at Iligan City.
Ayon kay Ako Bicol party list Rep. Rodel Batocabe, sa halip na mag-Christmas party para sa kanilang mga kaibigang supporters at coordinators ay magbibigay na lamang sila ng donasyon na nagkakahalaga ng P250,000.
Sabi ni Batocabe, hindi nila kayang magsaya at magdiwang habang mayroon silang mga kababayan na nagdurusa at naghihirap dahil sa pananalanta ng naturang bagyo dahil naranasan din umano nila ito noong sinalanta ang buong lalawigan ng Bicol ni Bagyong Reming noong Disyembre 2006.
Nanawagan din si Batocabe at Alagad Party list Rep. Rodante Marcoleta na ipagpaliban muna ang Christmas party at anumang uri ng pagsasaya ngayong nalalapit na Kapaskuhan at sa halip ay tulungan na muna ang mga kababayan sa Mindanao na lubhang nasalanta ng bagyong Sendong.