MANILA, Philippines - Ito ang naging reaksiyon ng isang pederasyon ng 60 non-government organizations kahapon sa napabalitang P1.5 million lamang na tulong na ipinalabas ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nasalanta at pamilyang namatayan sanhi ng bagyo sa Cagayan de Oro City.
“Humigit-kumulang sa 600 katao ang kumpirmadong namatay. Mayroon pang 800 ang iniulat na nawawala at ilampung libo pa ang nasa mga evacuation centers. Saan makakarating ang P1.5 million?” pagbibigay-diin ng Balikatan People’s Alliance.
Pinuna ni Balikatan Chairman Louie Balbago na ang mga namatay at nawawala pa lamang ay mahigit 1,000 na.
“Hati-hatiin mo man ang P1.5 milyon sa mga pamilya o naulila ng mga ito, aabot lamang sa mahigit P1,000 bawat isa. Ano iyon, limos? Paano na ang mga nasa evacuation centers?” ayon kay Balbago.
Pinapurihan ng Balikatan ang mga ahensiya ng gobyerno na tumutulong sa mga biktima ng bagyong Sendong tulad ng Philippine National Red Cross (PNRC).
Samantala, patuloy ang pagkakaloob ng DSWD ng ayuda sa mga nabiktima ng bagyong Sendong sa Mindanao, Visayas at ibang residente na nakatira sa timog Luzon.
Ang DSWD ay naglaan na ng P10.17 milyong standby funds at P57.69 milyong halaga ng relief supplies para sa mga residenteng nabiktima ni Sendong.