Mag-utol na Tiangco namigay ng bahay
MANILA, Philippines - May 16 na pamilyang Navoteno ang pinamaskuhan nina Navotas City Congressman Tobias “Toby” Tiangco at Mayor John Reynald Tiangco nang mapagkalooban sila ng pabahay sa Tanza Socialized Housing Site sa Barangay Tanza, Navotas City kahapon.
Ang proyektong pabahay na merong lawak na 8.4km at tinatayuan ng 1,200 row houses ay naunang konsepto ni Rep. Tiangco noong siya pa ang alkalde ng lunsod noong 2003.
Dating fish pond ang lote na ginawang isang class subdivision para magsilbing modelong komunidad sa lunsod. Ipinagpatuloy naman ni Mayor John Rey Tiangco ang misyon ng kanyang kapatid nang siya ang manungkulan sa puwesto noong 2010 at nagpatulong sa mga pampubliko at pribadong ahensiya.
Tumulong sa pagpapatayo ng 500 bahay sa Tanza Socialized Housing Site ang Habitat for Humanity, isang non-profit organization na nagtatayo ng mga bahay para sa mahihirap na Pilipino. Inaasahang mahigit pang 120 bahay ang mabubuo sa Mayo 2012.
Kabilang sa nabigyan ng pabahay si Nestor F. Ferma, isang dating “batilyo” sa Navotas Fishport at anim na taong tumira sa isang kariton kasama ng kanyang mga kapatid makaraang masunog ang kanilang bahay noong 2005.
- Latest
- Trending