Xmas safety campaign sisimulan

MANILA, Philippines - Sisimulan na ng Department of Transportation and Communications (DOTC) sa Lunes ang kanilang Christmas safety campaign upang matiyak na magiging ligtas ang biyahe ng mga Pinoy na uuwi sa kani-kanilang lalawigan upang doon magdiwang ng panahon ng Kapaskuhan.

Inatasan na ng DOTC ang iba’t ibang concerned agency upang tiyakin ang safety at convenience ng mga pasahero, bilang bahagi ng naturang kampanya na magsisimula bukas, Disyembre 19 hanggang Enero 3, na panahon nang pagbabalikan ng mga ito sa Metro Manila.

Nabatid na ipinag-utos na ng DOTC ang pagpapakalat ng mga security personnel sa mga air at seaports upang matiyak na hindi makakalusot ang sinumang nagnanais na mambiktima ng mga pasahero o kaya’y nais magsamantala sa okasyon upang makapaghasik ng kaguluhan.

Inaasahang sa pagpasok ng linggong ito ay marami ng mga Pinoy ang magsisimulang magsiuwian sa kani-kanilang probinsiya.

Kabilang sa mga ahensiya ng pamahalaan na kalahok sa naturang safety campaign ang Philippine Coast Guard, Manila International Airport Authority, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Land Transportation Office, Light Rail Transit Authority, Metro Rail Transit Authority at Philippine National Railways.  

Show comments