Barko lumubog: 32 nailigtas
MANILA, Philippines - Nasagip ang 32 katao kabilang ang isang 2-anyos na batang lalaki at 28 tripulante matapos na lumubog ang sinasakyan nilang barko nang balyahin ng malalakas na alon sa karagatan ng Dumaguete City, Negros Oriental nitong Sabado ng madaling araw.
Bandang alas- 4 ng madaling araw nang mangyari ang paglubog ng M/V Ever Transport III sa karagatan ng nasabing lungsod.
Sa ulat ng Office of Civil Defense Region 6, agad namang nagresponde ang mga elemento ng Philippine Coast Guard kasama ang mga volunteer divers matapos ang distress signal na ipinarating ng kapitan ng barko.
Nabatid na noong gabi ng Biyernes ay humingi ng permiso ang kapitan ng barko na makadaong sa pantalan ng Dumaguete City matapos silang abutan ng unos sa karagatan pero tinanggihan ang mga ito kaya nasa gitna lamang ng laot ang barko.
Pagsapit ng pasado alas-12 ng hatinggabi ay nagsimula ng bayuhin ng malalakas na alon ang barko at gayundin ng ihip ng hangin hanggang sa unti-unti itong pasukin ng tubig na lumubog pagsapit ng alas-4 ng umaga.
- Latest
- Trending