Karamihan sa mga nagiging “drug courier” ay mga Pilipinong English teachers na ginagamit umano ang kanilang kahusayan sa naturang banyagang salita upang madaling makipag-komunikasyon sa “West African Syndicate.”
Ito ang ibinunyag ni PDEA Undersecretary Jose Guttierez, Jr. sa ginanap na Communication and News Exchange (CNEX) Forum sa Philippine Information Agency (PIA), base umano sa resulta ng pag-aaral na kanilang ginawa patungkol sa mga naarestong “drug courier.”
Ayon kay Gutierrez, dahil may kahusayan sa pagsalita ng Ingles ang mga guro, madaling nakakaunawaan ang mga ito at nagkakasundo sa anumang transaksyon.
Pinag-aaralan din umano ng mga sindikato ang ating mga paliparan bago tuluyang isagawa ang nasabing iligal na aktibidad.
“Magagaling ang mga sindikato, pinag-aaralan nila ang mga airports na maluwag ang seguridad pero di sila makalusot sa seguridad sa China”, dagdag ni Gutierrez.
Sa kasalukuyan, naalarma ang PDEA dahil 82 Pinoy ang nakatakdang bitayin bunga ng kasong drug trafficking, 73 ay nakakulong sa China habang ang 8 ay mula sa Malaysia at ang 1 ay nasa Indonesia.
Sa tala ng PDEA, 11 na lamang ang nahuling “Drug-courier” sa bansa ngayong taon. Malayo sa bilang na 160 noong 2009 at 69 noong nakaraang taon. Ricky Tulipa