P100M suhol ibinuking ni Abalos
MANILA, Philippines - Inakusahan kahapon ng kampo ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. si Judge Jesus Mupas ng Pasay Regional Trial Court branch 112 na nagpadala umano ng mga emisaryo at nagtangkang manghingi ng P100 milyon para ayusin ang kaso niyang “electoral sabotage”.
Dahil dito, nagsampa ng “motion to inhibit” si Atty. Brigido Dulay para kusang bitiwan ni Mupas ang paghawak ng naturang kaso dahil sa nilukuban na umano ng pagdududa ang kanyang sala.
Sinabi ni Abalos na dalawang nagpakilalang emisaryo ni Mupas ang nakipagkita sa kanya sa dalawang magkahiwalay na okasyon. Unang nakipagpulong sa kanya ang isang Atty. May Mercado sa Dusit Hotel sa Makati City na humingi ng P100 milyon.
Sumunod na nakipagtagpo sa kanya sa Legend Hotel ang isang Atty. Jojo Desiderio na nanghingi naman umano ng P30 milyon. Nakikipag-ugnayan na umano sila ngayon sa pamunuan ng dalawang hotel upang makakuha ng kopya ng CCTV (closed circuit television) footage” para patunayan na naganap ang naturang tangkang pangongotong at hiniling rin na ipa-subpoena ito ng korte upang mapabilis ang pagkuha ng naturang ebidensya.
Ikinapikon naman ni Mupas ang naturang akusasyon at nagbanta na papatawan ng “contempt of court” ang panig ng mga Abalos. Iginiit nito kay Abalos at mga abogado na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat na ma-contempt dahil sa naturang akusasyon.
Ang pagdinig kahapon ay para sana resolbahin ang dalawang isinumiteng mosyon para sa “house arrest” at paglalagak ng piyansa ni Abalos ngunit hindi ito naresolba dahil sa naturang pagtatalo ukol sa hiling na pag-inhibit kay Mupas.
- Latest
- Trending