Palparan kinasuhan na
MANILA, Philippines - Kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima na naisampa na sa Malolos Regional Trial Court (RTC) ang mga kasong kidnapping at serious illegal detention laban kay Ret. Maj General Jovito Palparan at tatlong iba pa.
Ang kaso ay may kinalaman sa pagdukot sa dalawang estudyante ng University of the Philippines (UP) na sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeno.
Sa 36-pahinang resolusyon na nilagdaan ni Prosecutor General Claro Arellano, may probable cause ang reklamong two counts of kidnapping at serious illegal detention laban kina Palparan, Lt. Col. Felipe Anotado, Master Sgt Rizal Hilaro at Staff Sgt Edgardo Osorio.
Sina Cadapan at Empeno ay napaulat na dinukot sa Bulacan noong Hunyo ng taong 2006.
Ang reklamo laban kina Palparan ay inihain nina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeno, mga magulang ng nawawalang 2 aktibista.
Samantala, ibinasura naman ng DOJ ang iba pang reklamo na inihain laban sa mga nabanggit na respondents gaya ng panggagahasa, pagmamaltrato sa mga bilanggo, grave threat, grave coercion at iba pa dahil sa kawalan ng ebidensya. Kumbinsido ang panel of prosecutors na nag-imbestiga sa reklamo na ang pagdukot kina Sherlyn at Karen ay kagagawan ng mga opisyal ng Philippine Army at mga enlisted personnel at direktang kaugnayan sa krimen si Palparan.
Binigyang bigat ng lupon ang mga salaysay ng magsasakang si Raymond Manalo na nakakita sa pagdukot sa dalawang estudyante. Ayon kay Raymond, kasama umano niyang nadetine sina Sherlyn at Karen sa kampo ng militar sa Limay, Bataan pero siya ay nakatakas noong Hunyo 2007.
- Latest
- Trending