Magsuot ng disente sa Simbang Gabi - CBCP
MANILA, Philippines - Muling nagpaalala ang Simbahang Katoliko sa publiko na maging disente sa pagdalo sa tradisyunal na Simbang Gabi.
Ayon kay Lipa Archbishop Ramon Arguelles, hindi tama ang pagsusuot ng mga ‘provocative’ o ‘revealing’ clothes sa pagsisimba dahil ang mga taong nasa simbahan ay nananalangin at kinakausap ang Panginoong HesuKristo, na hindi dapat maagaw ang atensiyon.
“Diyan sa pananamit ang decency. Kung papasok ka sa simbahan, hindi para magpakita ng kilikili; papasok ka sa simbahan para magdasal, kaya huwag ka gagawa ng paraan para maka-attract ka,” ani Arguelles.
Taong 2007 nang mag-isyu ang Ministry for Liturgical Affairs (MLA) ng Archdiocese of Manila ng mga guidelines hinggil sa dress code na akma sa pagdalo ng banal na misa.
Dapat anyang malaman ng Katoliko na ang tunay na rason sa pagdiriwang ng Pasko ay ang pagsilang ni HesuKristo, hindi ang komersiyalismo, kung saan mas pinaglalaanan ng panahon ng ibang mamamayan ang pagsa-shopping.
Nagpaalala rin si Legazpi Bishop Joel Baylon sa mga kabataan na ang Simbang Gabi ay pagsasakripisyong gumising ng maaga at hindi para makipag-‘eye ball’ sa kanilang iniirog.
Naniniwala si Baylon na marami sa mga naturang kabataan ang nahihikayat lamang na mag-Simbang Gabi upang makita o makahawak ng kamay ang kani-kanilang minamahal.
Dapat anyang matutunan ng mga kabataan na ang Simbang Gabi ay higit pa sa pagkakaroon nila ng tiyansa na makita o makapiling ang kanilang mga iniibig.
Paliwanag ng Obispo, higit na makakakuha ng pagpapala ang mga kabataan kung mas pagtutuunan nila ng pansin ang paghahanda sa pagsilang ng Poong Maykapal.
- Latest
- Trending