MANILA, Philippines - Aprubado na sa Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang patawan ng mabigat na parusa ang mga nagbebenta ng botcha o double dead meat.
Isusumite sa Senado ang panukala para makalikha rin sila ng kaparehong panukala at maging isa itong ganap na batas.
Sinabi ni Batangas Rep. Mark Llandro Mendoza, chairman ng House Committee on Agriculture, na mahalaga na maipasa ang panukala dahil lubhang mapanganib sa kalusugan ang bocha. Ang mga mahuhuling nagbebenta ng botcha ay makukulong ng hanggang 10 taon at magmumulta ng P1 milyon.
Kasamang naaprubahan sa ikatlong pagbasa ang 18 na iba pang panukala kabilang ang Anti-Bullying Act of 2012 (HB 5496).
Naaprubahan na rin ang HB 5445 na akda ni Laguna Rep. Edgar San Luis na nagbabawal sa mga ospital, pribado man o pampubliko, na maniningil sa mga registered nurse na nais makakuha ng experience.